KONGRESO…IMUMUNGKAHING I-CONVENE BILANG COMMITTEE OF THE WHOLE PARA SA PAGTALAKAY SA MARTIAL LAW DECLARATION SA MINDANAO

Imumungkahi ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na i-convene ang kongreso bilang Committee of the Whole.

 

Kaugnay ito sa pagtalakay sa deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Nangangahulugan ito na obligadong dumalo ang lahat ng kongresista sa pagtalakay.

 

Ayon kay Fariñas, kabilang sa kanyang iimbitahan sa briefing sa lunes ang mga kalihim ng DSWD, DOH, DOJ, DOT, DND, DILG, DOTR at iba pang miyembro ng gabinete na nais dumalo kapag tinalakay niya sa floor ang kanyang mungkahi.

 

Ito, aniya, ay para masagot ang mga tanong sa mga kalihim na may kinalaman sa kani-kanilang hawak na departamento. (Lea Rivera).

SAMPUNG LIBONG RELIEF GOODS, INIHAHANDA NA PARA SA MGA APEKTADO NG KAGULUHAN SA MARAWI CITY; HOSPITAL SHIP NG PHILIPPINE COAST GUARD, TUMULAK NA SA MINDANAO

Inihahanda na ng Department of Social Welfare and Development ang 10,000 bag ng relief goods para sa mga residente ng Marawi City.

Ang mga relief package ay ihahatid ng Coast Guard sa  pantalan sa Iligan City sa  pamamagitan ng BRP Batangas.

Maraming residente sa Marawi City ang apektado nang pag atake ng maute group na responsable sa  mga pagpatay at panunog sa mga city jail at simbahan. ( Jane Manalastas).

MAUTE GROUP…UNTI-UNTI NANG UMAATRAS SA MARAWI CITY, AYON KAY ARMM GOV. HATAMAN

Kinumpirma ng gobernador ng Autonomous Region of Muslim Mindanao na unti-unti nang umaatras ang pwersa ng Maute na nasa Marawi City.

Sa panayam ng DZME Kinse Trenta kay A-R-M-M Governor Mujiv Hataman, sinabi nitong patuloy na inililikas ang mga residente ng lungsod sa kabila ng pag-atras ng pwersa ng armadong grupo.

Ayon kay Hataman, patuloy ang pagtulong ng mga karatig lungsod sa marawi upang mailikas ang mamamayang naiipit sa bakbakan ng armadong grupo kontra sa pwersa ng pamahalaan. ( Jessel Laid).

DEFENSE DEPARTMENT…INAMING PUMALYA ANG INTELLIGENCE GATHERING NG MILITAR LABAN SA LOKAL NA TERORISTANG GRUPO

Aminado si Defense Secretary Delfin Lorenzana na pumalya ang Armed Forces of the Philippines sa Intelligence Report hinggil sa mga kilos ng Maute Group.

Iginiit ni Lorenza na hindi namonitor ng mga sundalo ang pagpasok ng local terrorist group sa Marawi City.

Ayon kay Lorenzana,  bagama’t may intelligence report ang militar ay kulang  pa rin ito at hindi nila naayos ang proseso.

Binigyang-diin din ng kalihim na maraming kaanak ang grupo ng Maute kung saan maari silang ikanlong.  ( Jane Manalastas).

PANGULONG DUTERTE…POSITIBO SA PAKIKIPAGPULONG KAY RUSSIAN PRESIDENT VLADIMIR PUTIN

Positibo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipag-pulong niya kay Russian President Vladimir Putin bago siya umalis ng Russia, kanina.

Sa pahayag ni Pangulong Duterte sa pamamagitan ng panayam ni Undersecretary Margaux ‘Mocha’ Uson, isinalaysay nito na nabanggit niya ang lahat ng kailangang sabihin sa pinuno ng Russia.

Muntik nang hindi matuloy ang pulong ng dalawa dahil sa problema sa Mindanao at ito ring dahilan ng pagputol ng pangulo sa kanyang official visit sa Russia.  ( Jessel Laid).

AFP…NANAWAGAN SA PUBLIKO NA IWASAN ANG PAGPO-POST SA SOCIAL MEDIA NG MGA KAGANAPAN SA MARAWI CITY.

Umapila sa publiko ang Armed Forces of the Philippines na iwasan ang pag-po-post ng mga impormasyon na may kaugnayan sa sitwasyon sa Marawi City.

Ayon kay Colonel Edgard Arevalo,  Chief ng AFP-Public Affairs,  nakikiusap sila sa publiko na  itigil muna ang pagpo post ng mga photos at video sa magiging galaw ng tropa ng pamahalaan laban sa  terrorist propaganda na ngayon  lumalabas sa social media.

Ang panawagan ni Arevalo ay kasunod ng pagpo-post ng mga litrato at video ng mga residente sa Marawi City nang mga kaganapan  sa pagitan ng mga sundalo at terrorist group.  (Jane Manalastas).

CHIEF JUSTICE SERENO…IPINAG-UTOS ANG 24-HOUR OPERATION SA MGA KORTE SA MINDANAO

Ipinag-utos na ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang 24-hour operation sa lahat ng korte sa Mindanao.

Ang kautusan ng punong mahistrado ay tugon sa idineklarang batas militar ni Pangulong Rodrigo duterte sa Mindanao.

Sa advisory ni Sereno, obligado rin ang mga hukom na manatili sa kanilang mga korte kung kinakailangan.

Kaugnay nito ay inaatasan ang mga hukom sa Mindanao na maghain ng report sa court administrator kaugnay sa kanilang mga sitwasyon sa pamamagitan ng mga executive judge. ( Thony Arcenal).