MAYORYA NG MGA PINOY…PABOR IBALIK ANG DEATH PENALTY SA DRUG CASES

Mayorya ng mga Filipino ang pabor na ibalik ang death penalty sa mga heinous crimes na may kauganayan sa droga.

Sa March 25 to 28 survey ng Social Weather Stations sa 1,200 respondents, 61 percent ang payag na ibalik ang parusang kamatayan habang 23 percent ang tutol at 16 percent ang undecided.

Lumitaw din sa nasabing survey na 48 percent lamang ng mga pinoy ang mayroong kaalaman sa panukalang ibalik ang death penalty.

43 percent naman ang halos walang alam sa naturang proposal habang 10 percent ang wala talagang kaalam-alam sa planong ipatupad muli ang parusang kamatayan. (Lea Rivera).

BUS NA NASANGKOT SA TRAHEDYA SA NUEVA ECIJA…KUMPIRMADONG LUMANG-LUMA NA

Lumang-luma na ang Leomarick bus na nahulog sa bangin sa Nueva Ecija noong Abril a-disi otso.

Ayon kay LTFRB Board Member at Spokesman Aileen Lizada, tatlumpu’t tatlong taon na ang naaksidenteng bus, batay sa impormasyon na nakuha nila mula sa Isuzu Philippines.

Aniya, 1984 ang “date of manufacture” na nakalagay sa makina ng Leomarick bus.

Ibinaba rin sa tatlumpu’t tatlo mula sa tatlumpu’t apat ang kumpirmadong namatay sa malagim na aksidente sa bayan ng Carranglan.  (Lea Rivera).

 

ISA PANG MATAAS NA OPISYAL NG PNP NA SINASABING KASABWAT NI SUPT. NOBLEZA SA PAGBIBIGAY PROTEKSYON SA MGA BANDIDO…INIIMBESTIGAHAN NA

Iniimbestigahan na ng PNP ang ulat na may isa pang mataas na opisyal ng pulisya ang umano’y kasabwat ni Supt. Maria Cristina Nobleza na nagsisilbing protektor ng Abu Sayyaf.

Kinumpirma ni Police Regional Office-7 Director, Chief Supt. Nolie Taliño na iniimbestigahan na rin nila ang dating asawa ni nobleza na si Senior Supt. Alan Nobleza na police attache sa pakistan.

Sinabi ni Taliño na kailangan nilang malaman kung ano ang tunay na relasyon ng dating mag-asawa kahit na inamin ni Cristina na 2010 pa sila annuled ni Alan at nagsasama na sila ng boyfriend na umano’y abu sayyaf bombmaker na si Rennor Lou Dongon. (Lea Rivera)

 

SENIOR OFFICIALS MEETING PARA SA ASEAN SUMMIT…BINUKSAN NA

Binuksan na ang panimulang pulong ng mga senior officials ng sampung bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations sa Philippine International Convention Center, sa Pasay City.

Halos dalawanlibong delegado mula sa mga member countries ang darating sa bansa para sa asian summit na tatagal hanggang sa sabado.

Kabilang sa mga pag-uusapan ang pagtutulungan ng mga bansa sa larangan ng ekonomya, pulitika, at seguridad.

Inaasahan din ang pagbuo ng isang Code of Conduct o panuntunan sa usapin ng pag-aagawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Bukod sa Pilipinas, mayroon ding mga isla na inaangkin ang Vietnam, Malaysia, at Brunei sa West Philippine Sea. ( Lea Rivera).

SUPT. NOBLEZA AT UMANO’Y ABU SAYYAF BOMBMAKER REENOR LOU DONGON…LIGAL NA MAG-ASAWA, AYON SA PNP

Kasal sina Supt. Maria Christina Nobleza at umano’y bombmaker ng Abu Sayyaf na si Reenor Lou Dongon.

Ayon kay Chief Supt. Noli Taliño, Region 7 Police Director, nagpakasal ang dalawa sa isang mistulang muslim rites dahil nagbalik-islam si Nobleza.

Una nang napaulat na bumalik sa islam si Nobleza nang ma-assigned ito bilang Deputy Regional Chief ng Davao Police Crime Laboratory.

Sinabi ni Taliño na una nang nagpakasal si Nobleza sa isang police attaché officer sa Pakistan, subalit napawalang bisa ang kanilang kasal sa pamamagitan ng annulment noong 2010.

Inaresto sina Nobleza at Dongon noong sabado matapos lagpasan ang checkpoint sa bayan ng Clarin sa Bohol, kung saan tinutugis ng militar ang ilang miyembro ng bandidong grupo.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa Camp Crame sa Quezon City. (Lea Rivera).

DALAWANG OPISYAL NG BARANGAY SA MAYNILA – NA-CONVICT NG OMBUDSMAN MATAPOS ANG PAGGAMIT NG GASOLINA NG BARANGAY

Anim hanggang labintatlong taong pagkabilanggo ang kahaharapin ng dalawang Barangay Official sa Lungsod ng Maynila makaraang ideklarang convicted sa Four Counts of Malversation.

Sina dating Barangay Chairwoman Lara Mae Reyes at Treasurer Stephani Belle Maño ng Barangay 748, zone 81, district 5 ng Maynila ay inakusahan ng iligal na reimbursement ng gasoline expenses sa mga sasakyang napatunayang hindi na nagagamit noong 2004.

Bukod sa pagkabilanggo, ang dalawa ay disqualified na rin sa paghawak ng kahit anong posisyon sa pamahalaan.

Pinagbabayad din ang mga ito ng tig-dalawanlibo limandaang pisong multa sa bawat count ng malversation.  (Dang Garcia).

A-S-G LIDER ISNILON HAPILON – NAGPADALA NA NG SURRENDER FEELER SA A-F-P

Kinumpirma ng AFP na nagpadala na ng surrender feeler sa kanila ang lider ng Abu Sayyaf Group na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Edgard Arevalo, patunay ito na nahihirapan na ang teroristang grupo bunsod ng inilunsad na operasyon ng mga sundalo.

Si Hapilon ay senior leader ng Abu Sayyaf Group at pinaniniwalaan ding pinuno ng Islamic State in Southeast Asia.

Wala pa namang impormasyon si Arevalo kung may mga tauhan si Hapilon na nais na ring sumuko. (Dang Garcia).