M-R-T WALANG TIGIL SA PAGPALYA…TREN IKALAWANG BESES NA NAMANG NASIRA NGAYONG LINGGONG ITO DAHIL SA TECHNICAL PROBLEM

Muli na namang naperwisyo ang mga mananakay ng Metro Rail Transit Line 3 dahil sa problema ng isang tren.

Pinababa ang mga pasahero ng MRT 3 sa Southbound ng Ortigas Station kaninang alas otso trenta’y dos dahil na naman sa technical problem.

Inilagay sa Category 3 ang problema ng naturang tren na nangangahulugang hindi ito agad napalitan.

Noong Lunes ay nasira rin ang naturang tren at ibinaba ang mga pasahero sa Cubao Station.  (Jessel Laid).

PAGBUBUKAS NG KLASE SA MARAWI CITY, INURONG.

Mauurong ang pagbubukas ng klase sa Marawi City dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Government  Forces at Maute Group.

Ito ang napagkasunduan sa meeting ng Regional Directors at Division Superintendents ng Department of Education na ginanap sa Cagayan De Oro City.

Sa June 5 sana ang opening of classes sa Marawi City subalit kinansela ito ng DEPED dahil sa paglala nang gulo sa lugar.

Nakatakdang bisitahin ng DEPED ang evacuation centers  kung saan pansamantalang gagawin ang klase para sa mga estudyanteng hindi makapupunta sa paaralan.  ( Jane Manalastas)

STRATEGIC COMMUNICATIONS OFFICE NG PCOO- BINUWAG NI SEC. ANDANAR

 

Binuwag ni Communications Secretary Martin Andanar ang isang unit na nasa ilalim ng kanyang tanggapan.

Sa kautusan na nilagdaan noong Mayo a-trenta, in-abolish ni Andanar ang Strategic Communications Office, dating Presidential Communications Development and Strategic Planning Office na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office.

Hindi naman tinukoy sa kautusan ang eksaktong dahilan ng pagbuwag sa S.C.O.

Dalawampu sa apatnapung personnel ng S.C.O. ay inilipat sa dalawa pang units na nasa ilalim ng pcoo habang ang dalawampung iba pa ay ikinu-konsiderang resigned  o  natapos na ang kanilang kontrata.  ( Lea Rivera)

NEDA, IGINIIT NA MALAKI ANG MAGIGING PAKINABANG SA MGA MAHIHIRAP NG TAX REFORM

Inilahad ng National Economic Development Authority ang mga magiging benepisyo sa ordinaryong mamamayan ng Comprehensive Tax Reform Package na sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng DZME Kinse Trenta kay Neda Chief Ernesto Pernia, sinabi nito na  mas patas na batas sa pagbubuwis  at magbibigay ng konsiderasyon sa mahihirap sa bansa ang Tax Reform.

Ayon kay Pernia, kompyansa ang pamahalaan na tataas ang koleksiyon ng buwis para magkaroon ng pondo na kakailanganin sa pagpapatupad ng infrastracture project.  ( Jane Manalastas).

 

KONGRESO NAG-CONVENE NA BILANG COMMITTEE OF THE WHOLE PARA TALAKAYIN ANG MARTIAL LAW…SPEAKER ALVAREZ HINILING ANG SUPORTA NG MGA KONGRESISTA.

Nag-Convene ang kongreso bilang Committee of the Whole.

Pasado alas nueve, kanina nang buksan ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas para sa briefing ng executive hinggil sa martial law declaration ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Mayorya ng mga kongresista ang kumatig sa kahilingan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na gawin ang briefing sa pamamagitan ng executive session.  (Lea Rivera).

 

 

LIBRENG TUITION SA STATE UNIVERSITIES AND COLLEGES PASADO NA SA BICAM… OPLAN BALIK-ESKWELA ACTION CENTER SINIMULAN NA NGAYONG ARAW.

 

Inaasahan ng Kongreso na sa ikalawang semester ay maipatutupad na ang free tuition sa lahat ng State Universities and Colleges matapos pumasa ang panukalang batas sa bicameral meeting kagabi.

Sa panayam ng DZME Kinse Trenta kay Eastern Samar Representative Ben Evardone, sinabi nitong raratipikahan na lamang ang naturang panukala at mag-aantay ng pirma ng pangulo bago tuluyang mailunsad.

Ayon sa mambabatas, tatlumpung araw matapos mapirmahan ni Pangulong Duterte bago matuloy ang implementasyon ng naturang programa. ( Jessel Laid).

PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO MULING TUMAAS NG MAHIGIT LIMAMPUNG SENTIMO

 

Nagpatupad muli ng taas presyo ang mga kumpanya ng langis sa mga produktong petrolyo, kaninang ala sais ng umaga.

75 centavos ang itinaas sa kada litro ng diesel, 55 centavos sa gasolina habang 85 centavos sa kerosene  o  gaas.

Noong nakaraang Martes ay tumaas ng 65 centavos ang kada litro ng gasolina, 60 centavos sa diesel habang 70 centavos sa kerosene.

Nilinaw naman ng Department of Energy na ang price hike ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan sa International Market at wala itong kaugnayan sa pagdedeklara ng Martial Law sa Mindanao.  ( Lea Rivera).