P-N-P UMAPELA SA PUBLIKO NA HUWAG NG IPAKALAT ANG VIDEO NG PAGPUGOT SA GERMAN NATIONAL

Umapela ang Philippine National Police o PNP sa publiko na huwag nang i-share ang video ng pagpugot ng grupong abu sayyaf sa German na si Jurgen Gustav Kantner.

Nanawagan si PNP Spokesperson, Senior Supt. Dionardo Carlos sa mga netizen na irespeto ang pagdadalamhati ng pamilya ng 71 taong gulang na kidnap victim.

Sinabi ni Carlos na karapatan pa rin ni Kantner na manatili ang kanyang dignidad kahit winakasan ang kanyang buhay sa karumal-dumal na paraan.

Una nang nagbanta ang mga bandido na pupugutan ang dayuhan noong February 26 ng hapon kapag hindi ibinigay ang hinihingi nilang ransom na 30 million pesos.  (Lea Rivera).

HILING NA T-R-O SA STATUS QUO ORDER NG KAMPO NI DE LIMA, HINDI PINAGBIGYAN…ORAL ARGUMENTS, ITINAKDA SA MARCH 14 NG SUPREME COURT

Hindi nagpalabas ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order o Status Qou Ante Order pabor kay Senador Leila De Lima sa en banc session, kanina.

Sa halip ay pinagkokomento ng kataas taasang hukuman ang  Muntinlupa Regional Trial Court  sa petisyon ni De Lima .

Maging ang Police Officials na respondents sa petisyon ni De  Lima ay inatasan rin ng korte suprema na maghain ng komento.

Itinakda ng Supreme Court ang oral arguments sa petisyon ni De Lima sa March 14.

Kahapon ay isinampa ng mga abogado  ni De Lima sa Supreme Court ang petisyon na humihiling na ipawalambisa ang warrant of arrest na ipinalabas laban sa kanya ni Muntinlupa City Regional Trial Court branch 204   Judge Juanita Guerrero.   (Jane Manalastas).

DATING PANGULONG NOYNOY AQUINO, PINULONG ANG MGA L-P SENATORS NA TINANGGALAN NG COMMITTEE CHAIRMANSHIP SA SENADO

Nakipagpulong si dating Pangulong Noynoy Aquino sa  Liberal Party o LP members matapos  alisan ng  komite sa senado ang apat nilang kapartido.

Dakong alas 11 ng umaga,  kanina nang dumating si Aquino sa Tomas Morato Avenue , Diliman,  Quezon City .

Kabilang sa mga dumalo sa meeting ang mga LP senators na  sina Franklin Drilon And Francis Pangilinan, House Deputy Speaker Miro Quimbo at Albay Representative Edcel Lagman.

Ilang senator ng LP ang tinanggalan ng komite  gaya ni Senador Franklin Drilon na inalis bilang Senate Pro Tempore matapos isulong ni  Senator Manny Pacquiao na kilalang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte na ideklarang bakante ang posisyon nito.

Ipinadeklarang bakante ang Chairmanship at membership ng Senate Committee na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros at Bam Aquino. (Jane Manalastas).

L-P SENATORS, BINUWELTAHAN ANG LIDERATO NG SENADO, DALAWAMPU’T SIYAM SA PANUKALANG BATAS IPINAGMALAKI

Binuweltahan ni Senador Kiko Pangilinan si Senate President Koko Pimentel matapos sabihing pinipigilan ng Liberal Party senators ang legislative work sa senado.

Sa statement, ipinaalala ni Pangilinan kay Pimentel na 70 percent  o  20 mula sa 29 na nakabinbing panukalang batas sa senado ay sponsored ng LP senators sa kanilang kapasidad bilang Committee Chairpersons.

Ginawa ni Pangilinan ang statement bilang tugon sa sinabi ni Pimentel kaugnay ng re-organization sa senado.

Kahapon sa plenary session ay pinalitan si Senador Franklin Drilon bilang Senate President Pro Tempore, habang sina senators pangilinan, bam aquino, at risa hontiveros ay inalis bilang Chairpersons Ng Committees On Agriculture, Education at Health.  (Lea Rivera)

FILIPINO NURSE NA NAWALA SA HOUSTON TEXAS, NATAGPUAN NG BANGKAY

Natagpuan na ng mga awtoridad ang katawan ng nawawalang Filipino nurse sa Houston, Texas.

 Ayon sa Harris County Medical Examiner’s Office, ang katawan ng kwarenta’y kwatro anyos na si Glenser Soliman ay nakita ng isang lalaki habang ipinapasyal ang kanyang aso sa hirshfield road.

 Si Soliman ay iniulat na nawawala noong February 16 makaraang hindi ito pumasok sa pagamutan kung saan siya ang nurse supervisor.

 Wala pa namang deklarasyon ang mga awtoridad kung may foul play sa pagkamatay ng nurse.

 Agad namang nagtayo ang pamilya ng biktima ng gofundme account para sa imbestigasyon sa insidente.  (Dang Garcia)

PAGPUGOT NG A-S-G SA GERMAN NATIONAL, KINUMPIRMA NA NG A-F-P.

Kinumpirma ng militar ang pagpugot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa German hostage na si Juergen Kantner.

 Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Lt. Col. Edgard Arevalo, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa reliable source na nagkukumpirma sa karumal-dumal na pagpaslang sa bihag na dayuhan.

 Una nang nagbanta ang bandidong grupo na pupugutan si Kantner kapag hindi ibinigay ang kanilang demand bago mag-alas tres ng hapon noong February 26, araw ng linggo.

 Sinabi ni Arevalo na ginawa nila ang lahat at sa katunayan ay nalagasan pa sila ng mga tauhan para mailigtas ang dayuhan mula sa mga terorista.

 Kasunod ng pagpugot kay Kantner, tiniyak ng opisyal na paiigtingin pa nila ang pagtugis sa mga bandido.  (Lea Rivera).

ABOGADO NI ILOCOS NORTE REPRESENTATIVE IMELDA MARCOS, NA-CITE FOR CONTEMPT NG SANDIGANBAYAN…DALAWANG LIBONG PISO, PINATAW NG MULTA.

Na-cite for contempt ng Sandiganbayan ang abogado ni dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos dahil sa kabiguang dumalo sa ikalawang araw ng graft trial ng mambabatas.

 Pinagmumulta ng dalawanlibong piso ng fifth division ng anti-graft court si Atty. Robert Sison dahil hindi muli ito dumalo sa pagdinig ng kaso ni Marcos.

 Ihaharap sana ng defense panel ang mga testigo sa ikalawang araw ng pagdinig.

 Ang hindi pagdalo ni Sison sa pagdinig ay nangangahulugan na wine-waive na ang karapatan nilang magpresinta ng mga ebidensya.

 Ang kaso laban kay Marcos ay inihain noong 1991 na nag-ugat sa pagbuo ng ilang private foundations sa Switzerland at pagkakaroon ng financial interests sa private enterprises habang siya ay miyembro ng Interim Batasang Pambansa mula noong 1978 hanggang 1984.

 Itinakda naman ng korte sa May 10 at 11 para sa pagpipresinta ng prosekusyon ng kanilang ebidensya. ( Dang Garcia).