MGA PULIS, PINAGBAWALANG MAKALAPIT SA PAMILYA NG APAT NA DRUG SUSPECT NA NAPATAY SA TOKHANG SA PAYATAS, Q.C.

Kasabay ng inisyung writ of amparo, nagpalabas din ang Korte Suprema ng temporary protection order o TPO para sa pamilya ng apat na drug suspect na napatay sa oplan tokhang sa Payatas, Quezon City nuong August 21, 2016.

Sa deliberasyon ng Supreme Court En Banc ngayong araw, pinagbawalan ng hukuman ang mga respondent sa kaso na makalapit sa  bahay at lugar ng trabaho ng mga petitioner sa layong isang kilometro.

Pinangalanang respondent sa kaso ang PNP na kinakatawan ni Director General Ronald Dela Rosa, QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, QCPD Station 6 Commander Supt. Lito Patay at iba pang myembro ng QCPD na sina PO1 James Aggaral at PO1 Melchor Navisaga.

Inatasan ng Korte Suprema ang mga respondent na magsumite ng verified return of the writ sa Court of Appeals sa loob ng limang araw.

Inatasan din ng hukuman ang appellate court na magsagawa ng pagdinig at desisyunan ang petisyon kasama na ang iba pang kahilingan ng mga petitioner gaya ng pagpapatigil sa oplan tokhang sa mga lugar na sakop ng QCPD Station 6.

Sa oras na madeklarang submitted for decision ang kaso, dapat ay makapagpalabas ng desisyon ang Court of Appeals sa loob ng sampung araw.(Dang Garcia)

Advertisements

PNP, MAGKAKAROON DIN NG SHARE SA STL

Mas malaking pondo rin ang tatanggapin ng pnp sa pinalawig na Small Town Lottery (STL) bilang kanilang share upang magamit sa anti-criminality at anti-illegal gambling operations.

Ipinaliwanag ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz na alinsunod sa Memorandum of Understanding (MOA) nila sa PNP, may share ang PNP na 2.5 percent mula sa kita sa STL.

Kung susumahin, sa target na 27 billion na kita ng PCSO sa STL ay magkakaroon ng share ang PNP ng 692.4 million.

Gagamitin ito sa operating expenses ng pnp partikular na sa anti criminality at anti illegal gambling.

Samantala binalaan ni PCSO General Manager Alexander Balutan ang mga illegal gambling operators na nabibilang na ang kanilang mga araw kasunod ng pinalawig na operasyon ng small town lottery (STL).

Binigyang diin ni balutan na naging breeding ground na ng katiwalian ang illegal gambling dahil na rin sa pamamahagi ng payola ng mga illegal gambling operators.

Hinikayat nito ang mga gambling operators na tiyakin na lamang na ligal ang kanilang operasyon o kanila itong aarestuhin at sasampahan ng kaukulang kaso sa pamamagitan ito ng kanilang memorandum of understanding sa PNP.

Babala pa ni Balutan na maaring makatakbo ang mga illegal operators subalit hindi makapagtatago ang mga ito.

Tiniyak naman ni PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz na magiging transparent ngayon ang operasyon ng STL kayat makatitiyak din na papasok sa pamahalaan ang lahat ng dapat kitain sa STL.(Dang Garcia)

SPONSORSHIP SPEECH SA PANUKALANG PAGBABALIK NG DEATH PENALTY, TULOY MAMAYANG HAPON SA KAMARA

Kinumpirma ni Deputy Speaker Fred Castro na tuloy mamayang hapon ang mga sponsorship speech sa panukalang pagbuhay sa death penalty.

Sa panayam ng DZME 1530 kay Castro, sinabi nito na bukod sa kanya ay magbibigay din ng sponship speech sina Congressmen Reynaldo Umali, Vicente Veloso, at House Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Naniniwala ang Deputy Speaker na kailangang pagtuunan ng pansin ang pagbuhay sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan dahil nakasusuklam at nakapopoot na aniya ang anyo at pamamaraan ng paggawa ng krimen.

Ang dapat lamang aniyang alalahanin ay huwag gumawa ng kasalanan para hindi maparusahan.(Lea Rivera)

MULING PAG-IIMBESTIGA SA JEE KIDNAP-SLAY, IPINAG-UTOS NG KORTE

Ipinag-utos ng Angeles City Regional Trial Court ang muling pag-iimbestiga sa kidnap-slay case ng Koreanong si Jee Ick Joo.

Bunsod ito ng inihaing motion ng mga akusadong sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas at Ramon Yalung, ang 3 akusadong sabit sa kasong kidnapping for ransom with homicide.

Sa dalawang pahinang kautusan, binigyan ng 60 araw ni Judge Irineo Pangilinan Jr. ng r-t-c branch 58, ang mga prosecutor ng Department of Justice para tapusin ang re-investigation.

Unang sinabi ng tatlong akusado na tinanggalan sila ng constitutional right to due process matapos silang hindi mapagbigyan ng pagkakataon na maghain ng kanilang counter-affidavit sa preliminary investigation.(Jane Manalastas)

PCSO, TARGET ITAAS SA P27-B ANG KITA MULA SA STL OPS

PCSO, TARGET ITAAS SA P27-B ANG KITA MULA SA STL OPS

Target ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na itaas sa 27 billion peso ang kita nito mula sa pinalawig na small town lottery o STL Operations.

Ayon kay PCSO chairman Jose Jorge Corpuz, mula ito sa 4.7 billion noong 2015 at 6.4 billion noong 2016.

Sinabi ni Corpuz na ang mataas na target revenue ay nangangahulugan lamang ng dagdag na charity fund na maibibigay sa mga benepisyaryo ng ahensya para sa health, medical and charitable programs.

Kabilang na anya rito ang individual medical assistance program, tulong para sa gamot at medical at supplies, medical and dental misaion at ambulance donation program.

Inihayag ni Corpuz na bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na sawatain ang illegal gambling at labanan ang katiwalian, pinalawig na ng pcso sa 56 areas mula sa 18 areas ang STL operations na nagsimula noong 2006.

Ipinaalala pa ni Corpuz na ipinatutupad nila ang hakbang hindi lamang para sa pcso kundi para makatulong sa pamahalaan na gastusan ang iba’t ibang health and medical programs para sa mahihirap.(Dang Garcia)

BILANG NG MGA PINOY NA NAGSABING BIKTIMA NG COMMON CRIME… NAITALA SA PINAKAMABABA

Naitala sa pinaka-mababa ang bilang ng pamilyang Filipino na nagsabing biktima sila ng common crime.

 Sa survey ng Social Weather Stations, 4.9 percent o 3.1 milyong pamilya ang nagsabing biktima sila ng karaniwang krimen noong huling yugto ng 2016.

Mababa ito ng 1.9 points kumpara sa nakalipas 3rd quarter ng nakaraang taon na nasa 6.8 percent o 4.2 milyong pamilya.

Gayunman, mas mataas ang 8.2 percent na annual average ng mga nagsabing biktima sila ng krimen noong 2016 kumpara sa 6.8 percent noong 2015. 

Isinagawa ang survey noong December 3 to 6, 2016, sa pamamagitan ng face-to- face interview sa 1,500 respondents mula sa Metro Manila, balance Luzon, Visayas at Mindanao.(Lea S. Rivera)

 

AMLC DIRECTOR, NAGBITIW NA!

Nagbitiw na sa pwesto si Anti-Money Laundering Council Executive (AMLC) Director Julia Bacay-Abad.

Ayon kay Abad, hindi naging madali para sa kanya ang kanyang desisyon pero sinabing ngayon ang tamang panahon ng pagbibitiw.

Sinabi pa ni Abad, alinsunod na rin ito sa istratehiya na patatagin ang  AMLC sa ilalim ng bagong pamunuan.

Noong isang buwan, binatikos ni Pangulong Rodrigo  Duterte ang mga opisyal  ng AMLC dahil hindi umano ito nakikipag-tulungan upang maibigay ang mga dokumentong hinihingi ng Department of Justice.

Una nang inihayag ni Justice Secretary Vitaliano  Aguirre II na nahihirapan silang kunin ang mahahalagang  bank information kaugnay ng  illegal drug trade sa New Bilibid Prison dahil sa mabagal na aksyon ng Anti-Money Laundering Council.(Jane Manalastas)