FIRECRACKERS-RELATED INJURIES, PUMALO NA SA 141.. MGA MAGULANG, PINAYUHANG BANTAYAN ANG MGA ANAK SA PAGSALUBONG NG 2017

​Lumobo na sa 141 ang mga tinamaan ng paputok o firecrackers.

Batay ito sa datos ng Department of Health (DOH), simula December 21 hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga, bisperas ng bagong taon.

Ayon kay DOH spokesperson Eric Tayag, karamihan ng mga biktima ay mga bata edad 10 pababa.

Gayunman, mababa pa rin ito ng 34 porsyento kumpara sa naitalang 214 incidents sa kaparehong panahon noong 2015.

Pinayuhan naman ng DOH ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak sa pagsalubong sa 2017.(Candy C.)

PAGPAPALABAS NG MMFF ENTRIES, NAIS PALAWIGIN NG HANGGANG JAN. 7, 2017

​Hihilingin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga may-ari ng sinehan na i-extend hanggang sa Enero 7, 2016 ang pagpapalabas sa mga entry ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, ito’y dahil sa natatanggap nila na tawag at requests sa social media na palawigin ng ilan pang araw ang 42nd MMFF.

Sinabi ni Orbos na posibleng hindi ma-recognize ngayon ang ginawa nila sa MMFF ngayong taon subalit ma-a-appreciate ito ng future generations.

Inayos ng MMFF ngayong taon ang kanilang selection criteria at prinayoridad ang excellence ng istorya maging ang creative accomplishments sa halip na commercial viability.

Dagdag ng opisyal na masaya na sila na umabot na sa mahigit 30 percent ang kita ng MMFF

Nagsimula ang festival noong Disyembre 25 at nakatakda itong matapos hanggang sa Enero 3, 2017 

Kabilang sa 2016 MMFF entries ay Ang Babae sa Septic Tank 2,  Die Beautiful,  Kabisera, Oro, Saving Sally, Seklusyon, Sunday Beauty Queen, at  Vince & Kath & James.(Candy C.)

MGA TINAMAAN NG PAPUTOK,  MAHIGIT 100 NA..AYON SA DOH

​Umabot na sa mahigit 100 ang naiatalng firecrackers-related injuries sa buong bansa.

Batay ito sa monitoring ng Department of Health (DOH), simula noong December 21.

Kabilang sa naitala ay ang 27-taong gulang na lalaki na tinamaan ng ligaw na bala noong Pasko, December 25 habang nasa loob ng kanyang bahay sa Bagabag, Nueva Vizcaya. 

Mula sa kabuuang bilang ng kaso ay 54 ang naitala sa National Capital Region (NCR), kung saan pinakamaraming tinamaan ng paputok o firecracker sa lungsod ng Maynila na may 24 cases, sinundan ng Quezon City, 12;   Mandaluyong, 5;   Navotas, 4; tig-2 sa mga lungsod ng Marikina, Las Piñas at Pasay habang tig1 sa Valenzuela, Pasig at Malabon Cities.

Kung pagbabatayan ang rehiyon, nangunguna ang NCR na sinundan ng Western Visayas na may 11 cases;  Calabarzon, 10;  Ilocos, 7, Central Visayas, 6; Central Luzon, 5;   Davao at Eastern Visayas na may tig-4,  Bicol, 3 at Cagayan Valley, 1.

Sa mahigit 100 nasugatan, 79 sa mga ito ay mga bata edad 15 pababa kung saan 47 sa mga ito ay nasugatan dahil sa piccolo habang 10 cases ang sanhi ng improvised cannon na tinatawag na ‘boga.’ 

Nagtamo ng sugat sa kamay ang 66 sa mga biktima habang 21 ang nasugatan sa mata

3 taong gulang ang pinakabatang biktima ng paputok habang 62-taong gulang ang pinakamatanda.(Candy C.)

HALOS LAHAT NG PINOY, SASALUBUNGIN ANG 2017 NANG MAY PAG-ASA

Sasalubungin ng halos lahat ng Filipino ang Bagong Taon nang puno ng pag-asa, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa December 3 to 6 survey ng SWS, 95 percent ng adult respondents ang sasalubong sa 2017 nang may pag-asa kaysa sa may pangamba.

Gayunman, limang porsyento ang nananatiling may takot sa papasok na taon.

Ang survey ay nilahukan ng 1,500 respondents na kinabibilangan ng 600 mula sa balance luzon at tig-300 mula sa Metro Manila, Visayas at Mindanao. (Lea Rivera)

 

PRES. DUTERTE, PINANGUNAHAN ANG PAGGUNITA SA 120TH DEATH ANNIV. NI RIZAL 

​Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang commemoration rites ng Rizal Day sa Luneta, sa lungsod ng Maynila.

Dumating ang Punong Ehekutibo sa Rizal Park, bago mag-ala-7:00 kaninang umaga. 

Binigyan ang Pangulo ng arrival honors ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff Lt. Gen. Eduardo Año. 

Kabilang sa dumalo sa commemoration rites sa ika-120th death anniversary at martyrdom ni Gat Jose Rizal ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea,  Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., Defense Secretary Delfin Lorenzana at si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.(Candy C.)

 31 SUGATAN SA PAGSAMBULAT NG IED SA LEYTE

31 katao ang nasugatan sa pagsabog ng dalawang improvised explosive devices (IED) sa isang boxing match malapit sa Hilongos Municipal Plaza, sa Leyte habang ipinagdiriwang ang pista sa bayan.

Ayon sa PNP Regional Office 8, alas 9:20, kagabi nang mangyari ang pagsabog na ikinasugat ng mga biktima. 

Karamihan sa mga biktima ay isinugod sa Hilongos District Hospital at nagtamo ng mga sugat sa lower extremities.

Ilan sa mga nasaktan sa bombing incident ay mga menor de edad kung saan ang pinakabata ay edad 7 lamang.

Ayon sa Hilongos Police, dinetonate ang IEDs gamit ang mobile phone at narekober din nila sa lugar ang pangatlong IED na hindi naman sumabog.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Hilongos Police Office, Scene of the Crime Operatives mula sa Ormoc City Police Office, at Philippine National Police Explosive and Ordnance Division.

Hindi pa rin tukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasa likod ng pagpapasabog. (Lea Rivera/Candy C.)

 

METRO MANILA, ITINUTURING PA RING HOTSPOT SA INDISCRIMINATE FIRING 

Ikinukunsidera pa rin ng Philippine National Police (PNP) ang Metro Manila na hotspot sa mga insidente ng indiscriminate firing lalo’t papalapit na ang pagsalubong sa Bagong taon.

Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, batay ito sa pag-aaral at assessment ng Directorate for Operations sa nakalipas na mga taon.
Ipinag-utos ni Dela Rosa ang screening ng lahat ng data at hanggang ngayon ang NCR (National Capital Region) ay hotspot pa rin sa indiscriminate firing. 
Naitala ang bilang ng stray bullet cases sa Kalakhang Maynila, kung saan isa rito ay ang kaso ng 7-taong gulang na si Stephanie Nicole Ella na tinamaan ng bala sa ulo habang nanunuod ng fireworks display sa Caloocan City at hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba ang kanyang kaso.
Ito ang dahilan kung bakit naglabas ang PNP Chief nang mas mahigpit na guidelines sa police commanders, particular sa Metro Manila para maiwasan ang indiscriminate firing o stray bullets incidents o pagtatala ng mga kaso ng pagkasugat at pagkamatay dahil sa ligaw na bala.
Sakaling may namatay dahil sa indiscriminate firing ay agad na sisibakin sa pwesto ang hepe sa lugar kung saan naitala ang kaso, maliban kung maaaresto ang suspek sa loob ng 1 araw.


Noong Martes lamang ay inanunsyo ni Dela Rosa na nadakip na ang bagitong pulis mula sa Zamboanga del Norte na nahuling nagpaputok ng kanyang baril noong Pasko at sumasailalim na ito ngayon sa dismissal proceedings. (Candy C.)